Departamento ng Primarya, Ipinagdiwang ang Buwan ng Wika

Home > News Events > Departamento ng Primarya, Ipinagdiwang ang Buwan ng Wika

Nina: Eliana Ignacio at Tahani Moksir

Muling ipinagdiwang ang taunang selebrasyon ng Buwan Ng Wika sa Philippine School Doha noong Agosto 26 na may temang, Filipino at mga Wikang Katutubo sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino.

Pinangunahan ang pagdiriwang sa iba’t ibang baitang ng mga maestra sa Filipino. Nagbigay din ng mensahe ang pangalawang punong-guro ng primarya na si Dr. Cleofe M. Pascual na nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika.

Ito ay isa sa mga paraan na magpapaalala na tayo ay Pinoy, na tayo ay Pilipino, na ang wika natin ay Wikang Filipino,” wika niya.

Nagpamalas ng angking talento ang mga kabataan sa Primarya. Sa unang baitang, nagpakitang gilas sila sa pagsayaw at mga awiting Pinoy. Napatunayan na mahuhusay sa pagtatanghal ang mga estudyante sa pangalawang baitang dahil sa ipinakita nilang galing sa pagsasagawa ng awiting bayan, awiting tula, at akrostik. Hindi din nagpahuli ang pangatlong baitang na nagbahagi ng kanilang mga likhang sining, akrostik, at himig Pinoy. Binigyang pagkakataon naman ang lahat na irampa ang kanilang pam-Pilipinong kasuotan pati na rin ang magpakitang-gilas sa hinanda nilang SayAwit sa kani-kanilang breakout rooms.

Bilang pagtatapos, nagbigay ng Pangwakas na Pananalita si Ginang Maribel D. Lentejas tungkol sa kahalagahan ng pagpapanatili ng ating pambansang pagkakakilanlan. Ulat niya ay, “Dapat nating ipagpatuloy ang pagbibigay-diin sa ating pagkakakilanlan bilang Pilipino dahil dito natin napatitibay ang ating pagkakaisa.

Sa ganitong mga gawain, naiparanas ng Departamento ng Primarya ang kahalagahan ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Sa pamamagitan ng pagtatanghal ng mga mag-aaral sa iba’t ibang aktibidad, itinaguyod nila ang taglay na yamang kultura ng Pilipinas bagaman tayo ay nasa ibang bansa.